![]()
Sa gitna ng patuloy na usapin ng katiwalian, isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ng panukalang magpapaluwag sa ilang probisyon ng Bank Secrecy Law upang pahintulutan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na siyasatin ang mga bank deposits na pinaghihinalaang may kaugnayan sa iligal na mga aktibidad.
Sa kanyang Senate Bill 1047, sinabi ni Estrada na hindi dapat sinasangkalan ang bank secrecy para gumawa ng kalokohan.
Iminumungkahi ni Estrada ang pag-amyenda sa Republic Act No. 1405, o ang Secrecy of Bank Deposits Law, upang bigyan ng malinaw na kapangyarihan ang mga hukuman at ang BSP na gamitin ang kanyang supervisory powers na magsiyasat ng mga kahina-hinalang accounts kung mayroon itong matibay na ebidensiya ng panunuhol, pandaraya, money laundering, o iba pang iligal na gawain na may kinalaman sa usaping kaperahan.
Ang anumang pagsisiyasat na gagawin ay kinakailangang aprubado ng Monetary Board ng BSP.
Upang maiwasan ang anumang pang-aabuso, itinatakda sa panukala ang malinaw na mga safeguards, tulad ng hindi maaaring siyasatin ang mga bank account sa panahon ng eleksyon upang hindi ito magamit laban sa sinumang kandidato; protektado ang mga perang naideposito na bago pa ipatupad ang batas; at ang resulta ng anumang pagsusuri ay hindi maaaring basta-basta ibunyag sa publiko, maliban kung kinakailangan para sa pagsasampa ng kasong kriminal.
