dzme1530.ph

Pagbuo ng Joint Congressional Oversight Committee. Mahalagang hakbang para matiyak ang maayos aa paggastos

Loading

Mahalagang reporma sa pagtiyak na maayos na magagastos ang 2026 national budget ang pagbuo ng Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures.

Ito ang iginiit ni Senador Loren Legarda bilang pagsuporta sa pagbuo ng kumite upang matiyak na ang paggastos ay may integridad, transparency, at alinsunod sa mga prayoridad ng pambansang kaunlaran.

Ibinabala ni Legarda na ang paulit-ulit na underspending, mahinang disenyo ng mga proyekto, at mga butas sa implementasyon ay direktang nagreresulta sa mga kalsadang hindi natatapos, mga ospital na siksikan, at mga komunidad na walang proteksyon laban sa sakuna.

Binigyang-diin pa ng Senadora na ang mga nakatiwangwang na pondo ay nagpapahina sa performance ng gobyerno at direktang nakakaapekto sa mga mamamayang naghihintay ng serbisyo.

Nagbabala rin ang Senadora na ang pag-iwan ng mga budget na nakatiwangwang ay pumipigil sa gobyerno na mailipat ang pondo sa mga ahensyang may mas matibay na track record.

Bilang tugon naman sa panawagan ni Senador Sherwin Gatchalian na masusing tingnan ang underspending at mga kritikal na proyekto, sinabi ni Legarda na nais niyang unahin ng oversight body ang mga sektor kung saan pinakamabigat ang epekto ng pagkaantala at inefficiency sa karaniwang mamamayan.

About The Author