![]()
Pinabulaanan ng Department of National Defense ang paratang ng China na binabaluktot ng Pilipinas ang mga detalye ng kamakailang insidente sa West Philippine Sea na ikinasugat ng tatlong mangingisdang Pilipino.
Ayon kay DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, hindi baluktot ang mga impormasyong inilabas ng pamahalaan dahil ang mga ito ay dokumentado, may petsa at oras, at pinatutunayan ng mga video recording, vessel logs, at on-site reporting ng Philippine Coast Guard.
Lumabas ang pahayag ni Andolong matapos akusahan ng China’s Defense Ministry ang Pilipinas ng umano’y pagbabaluktot ng mga pangyayari kaugnay ng insidente malapit sa Escoda Shoal noong Disyembre 12.
Sa naturang insidente, tatlong mangingisdang Pilipino ang nasugatan matapos umano gamitan ng water cannon at harassin ng mga sasakyang-pandagat ng Chinese Coast Guard.
Binigyang-diin ng DND na hindi nagpapalaki ng isyu ang Pilipinas, at iginiit na malinaw ang ebidensya ng agresibo at mapanganib na kilos ng isang estadong nanghihimasok sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
