![]()
Nagpahayag ng suporta ang United States sa Pilipinas at kinondena ang umano’y agresibong aksyon ng China Coast Guard matapos masugatan ang mga Pilipinong mangingisda sa Sabina Shoal o Escoda Shoal sa West Philippine Sea.
Sa pahayag ng US Department of State, sinabi nitong delikado at nakaka-destabilize ang paggamit ng China ng water cannons laban sa mga fishing boat ng mga Pilipino.
Ayon sa Philippine Coast Guard, tatlong mangingisda ang nasugatan at dalawang bangkang pangisda ang nasira matapos paulanang water cannon ng China Coast Guard ang humigit-kumulang dalawampung Pilipinong mangingisda noong Disyembre 12.
Nagpahayag din ng pagkondena ang Atin Ito Coalition, isang grupo ng mga civil society organizations, at sinabing paiigtingin pa nila ang mga civilian mission sa West Philippine Sea bilang tugon sa patuloy na harassment ng mga barkong Tsino.
Iginiit naman ng National Maritime Council na iligal at mapanganib ang ginawang aksyon ng China Coast Guard at sinabi na magsasagawa ang pamahalaan ng nararapat na diplomatic response kaugnay ng insidente.
