dzme1530.ph

Bicam meeting kaugnay sa 2026 national budget, ipagpapatuloy na ngayong araw

Loading

Magpapatuloy na mamayang hapon ang deliberasyon ng bicameral conference committee (bicam) sa panukalang pambansang budget para sa 2026.

Ito ang kinumpirma ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, kasabay ng pag-amin na may delay sa kanilang schedule sa proseso ng budget.

Gayunman, tiwala pa rin si Gatchalian na kakayanin pa rin nilang maisagawa ang ratipikasyon sa bicam report sa December 22.

Ang mga pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng pulong nila ni Congresswoman Mika Suansing, na kanyang co-chairperson sa bicam, matapos ipostpone ng Senate panel ang bicam meeting kahapon.

Ito ay dahil sa hindi pagkakasundo sa pagtapyas sa budget ng DPWH.

Ayon kay Gatchalian, patuloy ang kanyang pakikipag-usap kina Suansing at DPWH Secretary Vince Dizon upang maresolba ang deadlock kaugnay ng budget ng ahensya.

Kasabay nito, tiniyak ni Gatchalian na maisasabatas pa rin ang pambansang budget bago matapos ang taon, kahit pa mangahulugan ito ng overtime na mga sesyon ngayong Disyembre.

Handa anya silang magtrabaho nang lampas sa nakatakdang oras, basta’t hindi lamang sa mismong araw ng Pasko.

About The Author