![]()
Tiniyak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na sunod nilang ipaprayoridad sa susunod na linggo ang panukala kaugnay sa pagbuo ng Independent People’s Commission na tututok sa imbestigasyon sa katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.
Sinabi ni Sotto na matututukan na nila ang panukala dahil matatapos na ang pagtalakay ng Senado sa pambansang budget.
Ipinaliwanag naman ni Sen. Kiko Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, na maisasalang na nila sa plenary debates ang panukala kontra katiwalian habang isinasagawa ang bicameral committee meeting sa proposed 2026 budget.
Idinagdag ni Pangilinan na senyales ang pagbibitiw ni dating DPWH Secretary Rogelio Singson sa Independent Commission for Infrastructure upang madaliin ang pagtatatag ng komisyon na mabibigyan ng sapat na kapangyarihan upang mag-imbestiga at magsampa ng kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian.
Binigyang-diin pa ng senador na kung masesertipikahang urgent measure ng Pangulo ang panukala, malaki ang tsansa na maaprubahan ito bago ang Christmas break.
