![]()
Tiwala sina Sen. Mark Villar at dating Sen. Grace Poe na mapatutunayang walang basehan ang mga alegasyon sa kanila kaugnay ng katiwalian sa flood control projects.
Kasabay nito, tiniyak nina Villar at Poe na handa silang humarap sa inirekomendang imbestigasyon sa Ombudsman.
Para kay Villar, ang desisyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ipasa sa Ombudsman ang imbestigasyon ay patunay na walang batayan ang mga paratang laban sa kanya at walang anumang ebidensiya na sumusuporta rito.
Iginiit ni Villar na sa bawat aksyon nito ay tinitiyak nitong napangangalagaan ang kanyang integridad.
Umalma naman ang kampo ni dating Senador Bong Revilla sa sampahan siya ng mga kasong plunder, bribery, at iba pa.
Ayon kay Atty. Maria Carissa Guinto, legal counsel ni Revilla, hindi binigyan ng ICI ng pagkakataon ang dating senador na magpaliwanag o ipagtanggol ang kanyang sarili.
Dismayado si Revilla dahil hindi ito inimbitahan ng ICI sa pagsisiyasat, subalit tiwala pa rin aniya ito sa sistema.
