![]()
Mas makabubuting maghain na lamang ng ethics complaint laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga taong may reklamo sa kanyang pag-absent ng ilang linggo sa sesyon.
Ito ang iginiit ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III bilang tugon sa naunang pahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian na posibleng pag-aralan ang mga patakaran ng Senado kaugnay sa pagiging absent ng mga senador.
Sinabi ni Sotto na mahirap amyendahan ang kanilang mga patakaran dahil daraan pa ito sa mahabang proseso. Kung may mga tao na nagnanais ng accountability o pananagutan ng sinumang senador, ang mas makabubuting hakbang ay ang paghahain ng reklamo sa Senate Committee on Ethics.
Nauna nang kinumpirma ni Gatchalian na hindi saklaw ng “no work, no pay” policy ang mga mambabatas dahil wala ito sa kanilang mga patakaran.
Si Dela Rosa ay hindi na pumasok sa Senado simula noong Nobyembre 10 matapos isiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon nang warrant of arrest ang International Criminal Court laban sa kanya.
