![]()
Nanawagan si Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla sa mga overseas Filipinos na tumulong sa paghahanap at pag-aresto kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa press briefing sa Malacañang, hiniling nito na kung makita si Co sa ibang bansa, kuhanan ito ng litrato at i-post online upang agad matukoy ng pamahalaan ang kinaroroonan ng dating mambabatas.
Ayon kay Remulla, pinaniniwalaang nasa Portugal si Co at gumagamit ng dalawang passport, na naging dahilan ng komplikasyon sa paghahabol sa dating mambabatas.
Inihayag din ng kalihim na ginagamit ng pamahalaan ang whole-of-government approach para sa repatriation at pag-aresto kay Co, sa koordinasyon ng DILG, DFA, DOJ, at Ombudsman.
Sangkot ang dating kongresista sa umano’y pinakamalaking kaso ng korapsyon kaugnay ng ghost flood control projects ng DPWH at budget insertions sa Kamara. Una na ring hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Co na umuwi at harapin ang imbestigasyon.
Sinabi rin ni Remulla na tutugon ang Ombudsman sa paglalabas ng warrants of arrest, habang tiniyak nitong mahuhuli rin ang iba pang sangkot, kabilang ang mga “mas malalaking isda.”
