dzme1530.ph

Infrastructure rollout, dapat magtuloy-tuloy para sa ekonomiya —Sen. Ejercito

Loading

Iginiit ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang pangangailangang ipagpatuloy ng pamahalaan ang mga proyektong pang-imprastraktura sa kabila ng mga kontrobersiyang may kinalaman sa flood control projects.

Nagbabala si Ejercito na ang kasalukuyang pagbagal ng mga proyekto ay nagdudulot na ng negatibong epekto sa ekonomiya.

Batay sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), sinabi ni Ejercito na bumagsak ng 43% ang infrastructure spending, mula ₱137.1 bilyon noong nakaraang taon sa ikatlong quarter tungo sa ₱78.7 bilyon sa kaparehong panahon ngayong taon.

Ayon kay Ejercito, mahalagang panatilihing nasa track ang mga proyekto sa imprastruktura upang maibalik ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan, kasabay ng pagpapatupad ng mas malinaw na safeguards para tugunan ang mga isyung ibinunyag sa flood control scandal.

Kaugnay nito, tiniyak ni Ejercito ang suporta sa catch-up plan ng DPWH na layong pabilisin ang konstruksyon mula sa huling quarter ng taon hanggang unang bahagi ng susunod na taon upang mapataas muli ang infrastructure spending.

Marami na rin aniya ang nananawagan na i-realign ang “savings” mula sa flood control projects patungo sa iba pang high-impact infrastructure tulad ng paliparan, daungan at mga silid-aralan, mga proyektong may malakas na multiplier effect sa ekonomiya.

About The Author