![]()
Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Department of Labor and Employment (DOLE) na palakasin pa ang Public Employment Service Office (PESO) upang mas matulungan ang mga jobseeker sa modernong panahon.
Una nang pinuna ni Cayetano na matagal nang hindi naaamyendahan ang PESO Act kahit malaki na ang nagbago sa job-hiring practices at expectations ng mga employer.
Kabilang sa pangunahing tungkulin ng PESO ang job matching, labor market information, career guidance, at pagdaraos ng job fairs.
Sinabi ng senador na ang job fairs ng PESO ang isa sa mga pinakaepektibong serbisyo ng DOLE, dahil mas mabilis na ngayong nakakahanap ng trabaho ang maraming aplikante.
Gayunman, iginiit ni Cayetano na dapat pang palakasin ang PESO para makaagapay sa modern hiring trends.
Tinukoy nito ang pangangailangan na isama sa job-readiness guidance ang digital behavior at online reputation ng aplikante, na bahagi na ngayon ng hiring process ng ilang mga employer.
Ipinanawagan din niya ang mas maayos na koordinasyon ng LGUs, employers, at mga paaralan o TESDA kaugnay ng inaasahang job openings sa susunod na tatlong taon, isang bagay na dati niyang iminungkahi.
