![]()
Inilipat sa Jan. 2, 2026 ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-i-impound ng e-bikes at e-trikes sa mga national highways na nakatakda sana ngayong araw.
Ayon sa ahensya, ang desisyon ay kasunod ng maraming reklamo mula sa publiko.
Sinabi ni LTO Chief Markus Lacanilao na magkakasa muna ng malawakang information drive upang linawin kung saang lugar ligal ang pagbiyahe ng light electric vehicles (LEVs). Magbibigay rin umano sila ng bagong gabay at impormasyon sa publiko upang maiwasan ang kalituhan.
Magtatalaga rin ang LTO ng mga enforcer sa pangunahing kalsada upang turuan ang mga rider sa tamang paggamit ng e-bikes at e-trikes, sa halip na agad manghuli habang nagpapatupad ng bagong patakaran.
Iginiit ni Lacanilao na simula January 2, mahigpit nang ipatutupad ang impounding para sa kaligtasan ng lahat ng nagmamaneho sa kalsada, kabilang ang mga gumagamit ng e-bikes, e-trikes, at iba pang LEVs.
