![]()
Tiniyak ng Malacañang na tutugisin at pananagutin ang mga “big fish” na sangkot sa anomaliya sa mga flood control projects, ayon kay Communications Sec. Dave Gomez.
Giit nito, hindi magpapadaig si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga panawagan na magbitiw sa pwesto at determinado itong tapusin ang kanyang sinimulang imbestigasyon.
Sinabi ni Gomez na mismong ang Pangulo ang “nagbunyag” ng anomalya sa kanyang SONA at patuloy na mino-monitor ng administrasyon ang mga protesta na nananawagan ng pananagutan. Iginiit niya na nirerespeto ng Palasyo ang karapatan ng publiko na maglabas ng hinaing.
Pagdidiin pa ni Gomez, patuloy ang case build-up at mas marami pang makukulong “bago mag-Pasko,” kasama na umano ang mga malalaking personalidad. Bahagi anya nito ang pagpapalakas ng ebidensya upang masiguro na walang makakalusot sa mga nagnakaw sa bayan.
Iginiit din ng opisyal na mananagot ang sinumang sangkot dahil “walang sacred cows” sa gitna ng imbestigasyon, katulad ng paulit-ulit na paalala ng Pangulo.
