![]()
Posibleng sampahan na ng kaso ang mag-asawang kontraktor na Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control projects, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sinabi ni Remulla na nasa tatlong kaso laban sa Discaya family ang naisumite na para sa resolusyon matapos maisara ang ilang preliminary investigations. Posible aniyang maihain ang mga kaso sa Biyernes o sa susunod na linggo.
Patuloy din ang fact-finding ng Ombudsman kaugnay ng posibleng pagkakasangkot ng ilang senador sa flood control scandal. Ayon kay Remulla, sasailalim ang mga ito sa preliminary investigation at maaaring makatanggap ng subpoena sa susunod na linggo.
Kaugnay nito, nakapagsampa na ng mga kasong graft at malversation through falsification ang Ombudsman laban kay dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, 17 opisyal ng DPWH-MIMAROPA, at Sunwest Construction para sa umano’y substandard na P289.5-million river dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Posible ring harapin ng mag-asawang Discaya ang mga kasong malversation o plunder, depende sa halagang sangkot, ayon sa Ombudsman.
