![]()
Pinagkalooban ng necrological service ng Senado ang yumaong si dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Sa kanyang eulogy, inilarawan ni dating Senador Richard Gordon si Enrile na may paninindigan, hindi umalis ng bansa, hindi nagpakita na naka-wheelchair, at hindi nagtago kahit noong panahon na kaliwa’t kanan ang mga isyu laban sa kanya.
Pinasalamatan naman ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang lahat ng naging kontribusyon ni Enrile sa kanyang pamamahala at maging sa tulong sa kanyang amang si dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Inilarawan ni Arroyo si Enrile bilang most enduring public servant ng kanilang panahon na, bagama’t intimidating minsan, ay palaging nirerespeto.
Ibinahagi naman ni Sen. Erwin Tulfo ang kanilang pag-uusap isang buwan bago ang pagpanaw ni Enrile, kung saan ito humingi ng payo kung paano maging epektibong mambabatas at magampanan ang kanyang mga responsibilidad. Ito aniya ang nagsilbing source ng kaniyang katatagan at direksyon sa panunungkulan.
Ikinuwento naman ni Sen. Robin Padilla ang komunikasyon nito kay Enrile kaugnay sa kanyang mga panukala, partikular sa pagsusulong ng mga reporma o pagbabago sa konstitusyon, kaya naging resource person niya sa pagtalakay sa panukalang pagbabago sa saligang batas ang yumaong senador. Tinawag nito si Enrile bilang naglalakad na library at isa sa mga taong hindi kailanman nangmaliit sa kanya.
Para naman kay Sen. Jinggoy Estrada, si Manong Johnny ay isang kaibigang nagpatunay na totoo ang mga katagang “walang iwanan” dahil sa pagiging tapat na kaibigan.
Hindi naman malilimutan ni Sen. JV Ejercito ang pagsisilbi noon ni Enrile sa kanila bilang ama sa mga panahong pinakamadilim sa buhay ng kanilang pamilya.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na dapat magawaran ng Guinness Book of Records si Enrile bilang oldest secretary na nanungkulan sa gobyerno dahil hanggang sa huling bahagi ng kanyang buhay ay nagpatuloy siya sa pagseserbisyo.
Ikinuwento naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang pagiging mentor sa kanya ni Enrile sa panahon ng kanyang unang pagkandidato bilang senador. Nang matalo si Manong Johnny, ipinamana sa kanya ang magagaling nitong staff na hanggang ngayon ay nananatili sa kanya.
Ipinrisinta rin ng Senado sa pangunguna ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang inaprubahan nilang Senate Resolution No. 30 na nagpapahayag ng pagkilala sa dating mga naiambag ng senador sa bansa at taus-pusong pakikidalamhati sa kanyang pagpanaw.
Ayon kay Sotto, maaalala si Manong Johnny dahil sa talas ng isip nito at tapat na malasakit sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga empleyado ng Senado.
