![]()
Isinusulong ni Senate Committee on Labor and Employment chairperson Raffy Tulfo ang panukalang naglalayong tiyakin ang kapakanan at proteksyon ng mga manggagawa sa business process outsourcing (BPO), lalo na tuwing may kalamidad at mapanganib na kondisyon sa trabaho.
Sa kanyang Senate Bill No. 1493 o ang proposed BPO Workers’ Welfare and Protection Act, nais ni Tulfo na magkaroon ng job security at access sa medical benefits para sa mga BPO worker, gayundin ang pagkakaroon ng pambansang entry level wage na nakaayon sa family living wage para sa kanila.
Alinsunod sa panukala, dapat awtomatikong suspindihin ang trabaho sa BPO companies kapag may bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, sunog at iba pang kalamidad.
Ito ay sa gitna ng mga ulat kamakailan na ilang kompanya ang nag-require pa ring pumasok ang kanilang mga empleyado sa gitna ng super typhoon Uwan, kaya ilan sa kanila ay napilitang lumusob sa baha at malagay sa panganib.
Iminungkahi rin ni Tulfo na maging boluntaryo ang pagpasok tuwing malakas ang ulan at iba pang masamang panahon, at dapat mabigyan ng nararapat na hazard pay ang mga papasok na BPO employees.
Nakasaad din sa panukala na magiging regular ang isang BPO worker matapos ang anim na buwang probationary period.
Dapat ding tumanggap ang mga BPO worker ng entry level wage na hindi bababa sa ₱36,000; magkaroon sila ng medical benefits pagpasok pa lamang sa kompanya at hindi lamang pagkatapos ma-regular; at may karapatang mag-organisa para sa collective bargaining at makilahok sa mga usaping may kinalaman sa kanilang mga karapatan sa trabaho.
