![]()
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang Philippine National Police sa lahat ng lumahok sa unang araw ng 3-day peace rally ng iba’t ibang grupo nitong Linggo, Nov. 16.
Ayon kay PNP Acting Chief, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., naging mapayapa ang buong pagtitipon sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila.
Kinilala ng pulisya ang mahusay na koordinasyon ng mga organizer, marshals, at mga lumahok, kabilang ang Iglesia ni Cristo at iba pang grupo, na malaking kontribusyon sa maayos na daloy ng aktibidad.
Umaga pa lamang ay naka-full deployment na ang PNP upang tiyakin ang kaayusan at kapayapaan ng publiko, kasabay ng paggalang sa karapatan ng lahat sa mapayapang pagtitipon.
Nanatiling nakatuon ang Pambansang Pulisya sa pagtitipon, upang mapanatili ang seguridad at tulong sa publiko kung kinakailangan.
Panawagan ng PNP sa lahat na ipagpatuloy ang kapayapaan, kooperasyon, at respeto sa batas upang maging maayos at ligtas ang buong aktibidad.
