dzme1530.ph

Alegasyon ng pagkakadawit sa mga katiwalian sa DPWH, itinanggi ng ilang personalidad

Loading

Itinanggi ng ilang personalidad na nabanggit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang akusasyon na tumanggap sila ng komisyon mula sa mga proyekto ng ahensya.

Sinabi ni dating DPWH Secretary at ngayo’y Senador Mark Villar na isang malaking kasinungalingan ang alegasyon na tumanggap ito ng komisyon mula sa mga proyektong kanyang inaprubahan noong siya ay nasa ahensya pa.

Nanawagan ito sa publiko na maging mapanuri at huwag munang bumuo ng anumang judgement batay lamang sa testimonya ng isang tao na maaaring gawa-gawa lamang para sa sariling kapakanan.

Binigyang-diin nito na makikita sa kanyang record na hindi siya nasangkot sa anumang katiwalian mula noong siya ay kongresista, DPWH secretary, at ngayon ay senador.

Sinabi naman ni dating Senador Grace Poe na nalulungkot siya sa mga lumalabas na balita.

Sa kabilang dako, tiwala siya na bubusising mabuti ng Department of Justice ang lahat ng akusasyon, kasabay ng pagtiyak na sinusuportahan niya ang anumang imbestigasyon kaya’t dumalo rin siya sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure.

Nakakaalarma anya ang pagkakabanggit sa kanyang pangalan sa pagdinig ng Senado, subalit tinitiyak niyang hindi siya kailanman nasangkot sa katiwalian.

Itinanggi rin ni dating Senador at ngayo’y Education Secretary Sonny Angara ang anumang pagkakasangkot sa mga maanomalyang proyekto, sa pagdidiin na sa 21 taon niya sa gobyerno ay walang naging alegasyon ng katiwalian laban sa kanya.

Binigyang-diin naman ni dating Senador at ngayo’y Makati City Mayor Nancy Binay na wala siyang kinalaman o anumang papel sa anumang proyekto sa flood control at wala siyang empleyado sa Senado na kayang gawin ang alegasyon laban sa kanya.

Tahimik anya itong nagtatrabaho bilang alkalde at hindi niya papayagang maabala ng mga kasinungalingan.

About The Author