dzme1530.ph

Dalawang pulis patay sa pamamaril sa loob ng PECU sa Abra

Loading

Patay ang dalawang pulis sa pamamaril sa loob mismo ng Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) sa Abra, Lunes ng gabi.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson BGen. Randulf Tuaño na base sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang insidente habang nasa loob ng opisina ng PECU ang mga tauhan.

Binaril umano ng suspek na may ranggong police lieutenant ang isang staff sergeant habang nag-sisipilyo sa barracks. Tinamaan ang biktima ng bala ng baril sa katawan at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Matapos barilin ang staff sergeant, sinubukang barilin ng suspek ang isa pang pulis na may ranggong senior master sergeant, ngunit hindi ito tinamaan kaya gumanti ang biktima, na nauwi sa pagkamatay ng lieutenant.

Lumalabas sa imbestigasyon na bago ang insidente, pinatawag ng kanyang superior ang lieutenant dahil sa reklamo ng pag-inom habang naka-duty. Ang staff sergeant umano ay isa sa mga nag-sumbong tungkol sa pagiging lasing ng suspek, na posibleng naging motibo ng pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon ng PNP sa naganap na insidente.

About The Author