dzme1530.ph

Mga eksperto, nanawagan ng mas inklusibong suporta para sa mga Pilipinong may diabetes

Loading

Nagkaisa ang mga eksperto at medical groups sa panawagan para sa mas malawak at inklusibong suporta sa mga Pilipinong may diabetes sa pagdiriwang ng World Diabetes Day 2025.

Sa isang forum sa Manila Hotel, pinangunahan ng Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism (PCEDM), kasama ang Department of Health (DOH), Philippine College of Physicians, at iba pang organisasyon, ang panawagan para sa mas matibay na workplace policies at programang makatutulong sa mga manggagawang may diabetes.

Ayon sa PCEDM, mahigit 5.5 milyong Pilipino ang apektado ng type 2 diabetes, na ngayon ay ikalimang pangunahing sanhi ng kamatayan sa bansa.

Giit ni Dr. Lora May Tin Hay, pangulo ng PCEDM, hindi dapat ituring na hadlang o kapansanan ang diabetes dahil sa tamang gamutan, suporta, at kapaligiran, maaari pa ring maging produktibo ang mga pasyente.

Binigyang-diin naman ni Dr. Elaisa Haase ng Philippine College of Occupational Medicine na isa sa bawat pitong manggagawa sa bansa ay may diabetes, na nagdudulot ng pagbaba ng productivity at pagtaas ng sick leave at health claims.

Dagdag ni Dr. Olive de Guzman Quizon ng Philippine Academy of Family Physicians, apektado rin ang mga pamilya ng mga may diabetes, hindi lamang emosyonal at mental, kundi pati pinansyal.

Lumahok din sa talakayan ang mga kinatawan mula sa Philippine Heart Association, Stroke Society of the Philippines, at Philippine Society of Nephrology, na nagbabala sa mga komplikasyon ng diabetes gaya ng sakit sa puso, stroke, at pagkasira ng bato.

Muling ipinaalala ng PCEDM sa publiko ang I.W.A.S. strategy o Involve your doctor, Work on mindful eating, Adopt an active lifestyle, at Seek safe medication, bilang gabay para mapanatiling malusog at produktibo ang mga Pilipino.

About The Author