![]()
Iginiit ni Sen. Erwin Tulfo ang pangangailangan ng ibayong proteksyon sa bulubunduking bahagi ng Sierra Madre.
Sa kanyang privilege speech sa pagbabalik ng sesyon ng Senado, ipinaalala ni Tulfo ang muling papel ng Sierra Madre sa pagprotekta sa bansa sa kasagsagan ng super typhoon Uwan.
Ang Sierra Madre ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas, na umaabot sa mahigit 540 kilometro sa kahabaan ng silangang baybayin ng Luzon, mula Cagayan hanggang Quezon.
Ilang beses na aniyang nagsilbing proteksyon ng Luzon ang Sierra Madre mula sa mga bagyong Yolanda, Rolly, Paeng, at ngayon ay Uwan. Gayunman, tanong ni Tulfo, sino ang magliligtas sa Sierra Madre na hindi naman makapagsalita para sa sarili nito?
Binatikos ng senador ang patuloy na pagmimina sa mga dalisdis ng Sierra Madre, gayundin ang iligal na pagtotroso at quarrying na nagpapababa sa kalidad ng lupa nito.
Sa kabila ng pagpasa ng Republic Act No. 9125 o ang Northern Sierra Madre Natural Park Act of 2001 na naglalayong protektahan ito, nananatiling hindi sapat at mahina ang pagpapatupad ng mga probisyong dapat sana ay nagpoprotekta sa natitirang likas na yaman ng bansa.
Kaya panawagan ng senador na suriin at pagtibayin ang pagpapatupad ng proteksyon sa Sierra Madre, kasama na ang mas maigting na pagbabawal sa anumang mapaminsalang pagmimina, pagtotroso, at pagtatayo ng lahat ng uri ng resort, bakasyunan man o permanenteng tirahan, kasabay ng pagbibigay ng kabuhayang pangkalikasan sa mga katutubo at lokal na komunidad na tunay na tagapangalaga ng kalikasan.
