![]()
Ipinahayag ng Malacañang na naipasa na sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang listahan ng ilang opisyal ng gobyerno at dating heneral na umano’y sangkot sa destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa beripikasyon.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, mino-monitor na ito ng AFP at ng kanilang intelligence community.
Ang listahan ay unang ibinahagi ng kolumnistang si Mon Tulfo sa social media, kung saan iginiit nitong sina Vice President Sara Duterte, Davao Rep. Paolo Duterte, at dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson umano ang nagpopondo sa naturang plano.
Ani Castro, bagama’t nasa social media ang mga impormasyon, kailangan pa ring maimbestigahan ito upang matukoy kung may nilalabag na batas.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang mga awtoridad kung ang mga nabanggit sa listahan ay may nilabag na batas.
