![]()
Hindi nagtatago o tinatakasan ni dating Cong. Zaldy Co ang mga akusasyong ibinabato sa kanya.
Iyan ang sinabi ni Atty. Roy Rondain, tumatayong abogado ng dating mambabatas, sa isang pulong-balitaan.
Ayon kay Rondain, nangangamba lamang ang kanyang kliyente sa mga banta sa kanyang buhay, lalo na sa social media, kaya hindi ito bumabalik sa Pilipinas.
Si Co ay idinadawit at itinuturing na isa sa mga utak ng malawakang korapsyon sa flood control projects, at arkitekto ng pagsingit o pagmanipula sa 2025 national budget.
Dagdag pa ni Rondain, pangunahing kinatatakutan ni Co ang posibleng gawin ng mga “vigilante group” sakaling magpakita ito sa bansa.
Ayon sa abogado, nauunawaan nito ang galit ng taumbayan, subalit dapat ding tingnan ang ebidensya at ang estado sa buhay ng kanyang kliyente, na bago pa man maging mambabatas ay isa nang matagumpay na negosyante.
Nanindigan si Rondain na hanggang ngayon ay malinis ang kanyang kliyente sa mga inaakusang katiwalian.
Dagdag pa nito, wala pang naghahain ng sworn complaint laban kay Co, at rekomendasyon pa lamang ng ICI sa Ombudsman ang paghahain ng kaso, kaya wala pa silang aksyong ligal sa ngayon.
Gayunman, inamin ni Rondain na wala siyang alam kung nasaan ang kanyang kliyente at tanging sa telepono lamang sila nagkakausap.
