![]()
Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na bubusisiin nila nang todo ang mga proyektong pinaglipatan ng Kamara sa bahagi ng P255 bilyong pondong tinapyas sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa inisyal na impormasyon, bahagi ng pondo ang inilagak sa farm-to-market roads na nais matukoy kung nakapaloob sa master plan o sariling listahan lamang ng mga kongresista.
May bahagi rin ng pondo ang inilagay sa Health Facility Enhancement Program para sa pagpopondo ng super health centers.
Ilan ding bahagi nito ang napunta sa mga ayuda program na isinailalim sa unprogrammed appropriations.
Target ni Lacson na ipalipat ang lahat ng ayuda at social services programs sa programmed appropriations ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang alisin ang pakikialam ng mga pulitiko.
Kasama sa nais ipalipat ng senador sa 4Ps ang Tulong Dunong Scholarship Program ng mga mambabatas sa ilalim ng Free Tertiary Education Act.
Umaasa naman si Lacson na kusang magbabago o magla-lie low ang mga mambabatas na nananamantala sa pondo ng gobyerno para sa infrastructure projects.
Sa gitna na rin ito ng patuloy na mainit na usapin kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.
Kung hindi aniya magbabago ang mga ito, maituturing na silang sobrang takaw, sobrang tapang, at walang kabusugan.
