![]()
Hindi maaapektuhan ng pananalasa ng bagyong Tino sa Visayas at ilang bahagi ng Mindanao ang supply ng bigas sa bansa, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Gayunman, nagbabala ang kalihim na posibleng dumanas ng malaking pagkalugi ang produksiyon ng mais.
Paliwanag ni Tiu Laurel, hindi sila nababahala sa suplay ng bigas dahil halos tapos na ang pag-aani sa mga pangunahing lalawigan na nagtatanim nito, at karamihan sa mga apektadong rehiyon ay hindi major producing areas.
Sa kabila nito, posible aniyang magkaroon ng problema sa mais dahil nasa 33,000 ektarya ng maisan ang naapektuhan ng bagyong Tino.
Sinabi ng DA chief na inatasan na niya ang lahat ng regional field offices na magsagawa ng rapid damage assessments at maghanda para sa posibleng mas malakas na bagyong maaaring tumama sa Northern Luzon ngayong weekend.
