![]()
Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) ang kahandaan sa pagpasok ng Holiday Season o Disyembre, kung saan inaasahang dadagsa ang libo-libong pasahero sa mga paliparan sa bansa.
Ayon kay BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, nakahanda na ang ahensya sa pag-uwi ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang biyahero na nagnanais makapiling ang pamilya sa mahabang bakasyon.
Mahigit 810 immigration officers ang itatalaga sa mga pangunahing paliparan, kasama ang dalawang dosenang augmentation forces mula sa iba’t ibang departamento ng ahensya. Bilang karagdagang paghahanda, kanselado na ang bakasyon ng mga tauhan ng BI mula Nobyembre hanggang Enero 15, 2026, upang matiyak ang sapat na puwersa.
Bagaman wala pang eksaktong datos, inamin ni Mabulac na inaasahang mas maraming pasahero ang darating ngayong 2025 kumpara noong nakaraang taon.
