![]()
Pinaaalaalahanan ni Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go ang publiko na magpatupad ng dobleng pag-iingat sa pagpasok ng mas malamig na panahon, na nagdudulot din ng mataas na banta ng respiratory at viral infections.
Sinabi ni Go na sa panahon ng Amihan, tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng ubo, sipon, at trangkaso, partikular sa mga bata at matatanda.
Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng preventive health practices tulad ng tamang hygiene, pagsusuot ng angkop na damit sa taglamig, at pagtiyak ng maayos na bentilasyon sa tahanan.
Hinimok din niya ang publiko na samantalahin ang libreng medical consultations at serbisyo sa mga government health facilities tulad ng Super Health Centers, gayundin ang medical assistance programs sa Malasakit Centers.
Ipinaalala rin ng senador ang tamang nutrisyon at hydration, dahil ang mabilis na pagbabago ng temperatura ay nakakapagpahina sa immune system.
Pinayuhan pa ng mambabatas ang mga magulang na tiyaking makatatanggap ng nararapat na bakuna ang kanilang mga anak upang maiwasan ang mga sakit na kadalasang lumalaganap sa panahon ng taglamig.
