Pinayuhan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang mga motorista na lumipat na sa Radio Frequency Identification (RFID) upang mas mapadali at mapabilis ang kanilang pagbiyahe sa mga expressway tuwing peak travel season.
Ginawa ni TRB Spokesman Julius Corpuz ang pahayag kasunod ng nagdaang Holy Week break kung saan lumobo ang bilang ng mga sasakyang dumaan sa mga expressway.
Sinabi ni Corpuz na marami pa ring mga motorista ang gumagamit ng cash lanes na nagreresulta ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga toll plaza.
Iginiit din nito na ang RFID stickers ang “ultimate” solution sa mahahabang pila ng mga sasakyan sa mga toll plaza bago at pagkatapos ng mahabang holiday breaks.
Ang RFID ay isang cashless payment system na ginagamitan ng electromagnetic stickers sa mga sasakyan na otomatikong nababasa sa mga tollgate para sa kanilang mabilis na pagdaan.