Maghahain ng leave of absence si PNP Drug Enforcement Group Director Police Brig. Gen. Narciso Domingo at siyam na iba pang police officials para bigyang daan ang imbestigasyon sa P6.7-B shabu case.
Sa ginanap na press conference, tiniyak ni Domingo na tatalima sila sa utos ni Interior Secretary Benhur Abalos na mag-leave.
Gayunman, itinanggi ng heneral na walang tangkang cover-up o takipan gaya ng iniisip ng marami dahil sa kagagawan ng kanilang mga tiwaling tauhan.
Dismayado si Domingo na nakaladkad ang kanilang pangalan sa kaso gayung ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho na labanan ang iligal na droga.
Binigyang diin din nito na ang kanilang grupo ang nanguna sa operasyon ng pinakamalaking halaga ng nakumpiskang droga sa bansa.
Kahapon ay inatasan ni Abalos ang dalawang police generals at ilan pang mga opisyal na mag-leave ngayong linggo kung ayaw nilang masuspinde makaraang lumabas sa imbestigasyon ng National Police Commission na mayroong takipan sa pag-aresto at pagpapakawala sa dinismis na si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo na miyembro ng PDEG.