![]()
Kinondena ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang ilegal na paggamit ng cyanide sa pangingisda ng mga Chinese vessel sa Ayungin Shoal, na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ipinaalala ni Pangilinan na ipinagbabawal ang paggamit ng cyanide sa pangingisda, at hindi rin pinapayagan ang sinumang mangisda sa loob ng EEZ ng ibang bansa.
Binigyang-diin ng senador na labis na nakasisira sa kalikasan at kabuhayan ng mga Pilipino ang cyanide fishing. Dahil dito, nagpasalamat ito sa maagap na responde ng mga tauhan ng Philippine Navy sa pagtatanggol ng karagatan ng bansa at mga coral reef.
Giit ni Pangilinan, hindi dapat payagan ng pamahalaan at ng sambayanang Pilipino na lasunin ng mga dayuhan ang ating karagatan at nakawin ang likas-yamang pag-aari ng bansa.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng ulat na ilang Chinese fishing vessels ang nahuling gumagamit ng cyanide sa Ayungin Shoal.
