![]()
Sinagot ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela ang pahayag ni Cavite Rep. Kiko Barzaga na aniya’y mali at mapanlinlang laban sa Coast Guard.
Ayon kay Tarriela, hindi totoo ang sinabi ni Barzaga na ang mga operasyon ng PCG sa West Philippine Sea ay maaaring magdulot ng World War III at walang kinalaman sa buhay ng mga Pilipino. Giit nito, bahagi ng pambansang teritoryo ang WPS na mayaman sa yamang-dagat at pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming mangingisdang Pilipino.
Dagdag pa ni Tarriela, tungkulin ng PCG na protektahan ang soberanya at karapatan ng bansa alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award.
Itinanggi rin ni Tarriela ang akusasyon ni Barzaga na korap ang PCG at nagbibigay ng ranggo sa mga pulitiko. Paliwanag nito, ang mga miyembro ng PCG Auxiliary ay mga sibilyang boluntaryo na binibigyan lamang ng honorary rank bilang simbolikong pagkilala at walang operational control sa Coast Guard.
Nilinaw din nitong hindi bahagi ng Armed Forces of the Philippines ang PCG kundi nasa ilalim ng Department of Transportation.
Tinawag ni Tarriela na iresponsable at nakaainsulto ang panawagan ni Barzaga na buwagin ang PCG at sabihing sayang lang ito sa pondo ng gobyerno. Aniya, may 36,000 tauhan ng PCG na patuloy na nagsisilbi sa bansa nang may dangal at tapang.
Hinimok din ni Tarriela si Barzaga na bawiin ang kanyang pahayag at kumonsulta sa doktor o abogado upang malinaw na maunawaan ang tungkulin at mandato ng Philippine Coast Guard.
