![]()
Pinalayas ng Philippine Navy ang mga Chinese fishing boat na nahuling gumagamit umano ng cyanide sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon sa ulat ng Western Naval Command, namataan ng mga tropa sa BRP Sierra Madre ang mga dayuhang mangingisda na nagsasagawa ng ilegal na pangingisda gamit ang cyanide-based chemicals.
Agad na nag-deploy ng dalawang rubber boat ang mga sundalo upang harangin ang mga mangingisda. Hinila ng mga tropa palabas ng shoal ang mga bangkang pangisda gamit ang mga lubid bago pinayagang umalis sa lugar.
Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa West Philippine Sea, labis na nakapipinsala sa kapaligiran ang paggamit ng cyanide dahil sinisira nito ang mga bato at coral reefs na tirahan ng mga yamang-dagat.
Samantala, isang China Coast Guard vessel ang namataang nagmamatyag malapit sa lugar ngunit hindi nakialam sa operasyon ng mga tropa ng Pilipinas.
