dzme1530.ph

Ilang mga proyekto ng DPWH sa 2026 budget na itinuring na red flags, dinipensahan ni Sec. Dizon

Loading

Binigyan ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Public Works and Highways (DPWH) hanggang Biyernes upang makumpleto ang pagsusuri sa lahat ng proyektong itinuring na red flags.

Matatandaang pinuna ni Gatchalian ang mahigit 6,000 proyekto na nagkakahalaga ng ₱271 bilyon sa ilalim ng 2026 proposed budget ng DPWH dahil sa kawalan ng station number, duplication, multi-phases, at reappearing projects.

Sa muling pagharap ni DPWH Secretary Vince Dizon sa pagtalakay ng panukalang budget sa Senado, una niyang ipinaliwanag ang 946 proyekto na lumilitaw na reappearing projects na may pondong ₱14.45 bilyon.

Sa naturang bilang, 798 proyekto na may kabuuang halagang ₱11.66 bilyon ang na-validate ng DPWH, kung saan nakita na ang ilan ay patuloy pang kinukumpleto at isinasaayos.

Sa pinuna namang walang mga station number na umaabot sa kabuuang 4,566 proyekto na may halagang ₱201.3 bilyon, 4,085 proyekto na nagkakahalaga ng ₱180.3 bilyon ang kanilang naitama o nalagyan na ng eksaktong lokasyon.

Sinabi ni Dizon na patuloy pa ang kanilang pagsusuri sa ibang proyekto, subalit kung hindi palalawigin ang kanilang deadline ay payag silang tapyasan ang kanilang pondo.

 

About The Author