dzme1530.ph

Pagtapyas sa TUPAD budget para 2026, makaaapekto sa tulong sa mga nawalan ng trabaho

Loading

Aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magkakaroon ng “domino effect” ang pagtapyas ng budget sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program para sa 2026.

Sa pagtalakay sa panukalang pondo ng DOLE, inihayag na P11 bilyon lamang ang inilaan para sa TUPAD sa susunod na taon, matapos tapyasan ng 36 percent o katumbas ng P6 bilyon.

Dahil dito, mababawasan ng isang milyon ang mahigit apat na milyong benepisyaryo ng programa.

Ayon kay DOLE Assistant Secretary Amuerfina Reyes, magkakaroon ito ng epekto sa kakayahan ng gobyerno na magbigay ng tulong sa mga kababayang biglaang nawalan ng trabaho o nangangailangan ng mapagkukunan ng kita.

Binigyang-diin ni Reyes na bagama’t pansamantalang trabaho lamang ang naibibigay ng TUPAD, ito ang nagsisilbing salbabida para sa mga pamilyang apektado ng pagkawala ng hanapbuhay, lalo na sa panahon ng emergencies o kalamidad.

Batay sa datos, sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, may P17.3 bilyong pondo ang TUPAD na target ang 1.7 milyong benepisyaryo.

As of September 2025, nagamit na ang P10.87 bilyon ng pondo na nakatulong na sa 1.52 milyong benepisyaryo.

About The Author