Iginiit ni Sen. Christopher “Bong” Go ang pangangailangang palakasin ang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang maging fully operational ang mga Super Health Center sa buong bansa.
Ito ay sa gitna ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) na may 300 Super Health Center ang nananatiling hindi nagagamit dahil sa kakulangan sa kuryente, suplay ng tubig, at mga health personnel.
Pinaalalahanan ni Go na milyon-milyong piso ng pondo ang ginugol para sa mga naturang pasilidad, ngunit masasayang lamang ito kung hindi magagamit para sa serbisyong pangkalusugan ng mamamayan.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, 878 Super Health Center ang pinondohan mula 2021 hanggang 2025 sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program. Sa bilang na ito, 513 ang nakumpleto, 196 ang operational, 17 ang partially operational, habang 365 pa ang kasalukuyang under construction.
Muling binigyang-diin ng senador na hindi sapat ang pagtatayo ng mga gusali at dapat itong sabayan ng maayos na pamamahala at koordinasyon upang matiyak na epektibo ang mga ito sa pagtugon sa pangangailangang pangkalusugan ng publiko.
Dagdag pa ni Go, dapat tiyakin ng pamahalaan na ang bawat pisong ginugugol sa health infrastructure ay nararamdaman ng mamamayan sa pamamagitan ng dekalidad na serbisyo.