Oobligahin ang mga akusado sa maanomalyang flood control projects na isauli ang kabuuang halaga ng perang kinulimbat mula sa taumbayan kung nais nilang pumasok sa plea bargain agreement sa pamahalaan.
Ito ang binigyang-diin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, kasabay ng pagsasabing may mga reklamo na kaugnay sa limang flood control projects na kasado na para sa preliminary investigation ng Ombudsman.
Inihayag ni Remulla na mabilis lamang ang proseso dahil may sampung araw lang ang mga respondent para magsumite ng komento sa reklamo.
Dagdag pa ng Ombudsman, ang pag-evaluate ng complaints, mula fact-finding at preliminary investigation hanggang sa pag-file o dismissal ng kaso, ay hindi dapat umabot ng isang taon.
Idinagdag pa ni Remulla na layunin ng kanilang tanggapan na walang “matutulog” na kaso at dapat gumalaw ang lahat.