Posibleng itakda na sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Nobyembre ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga anomalya sa flood control projects.
Ito ay makaraang kumpirmahin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tiyak na ang pagbabalik ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson bilang chairman ng komite.
Sinabi ni Sotto na posibleng sa ikalawang linggo ng Nobyembre itakda ang susunod na pagdinig sa flood control project anomalies, subalit maaari rin itong maaga depende sa magiging pasya ni Lacson.
Naniniwala si Sotto na dahil sa lawak ng mga anomalya sa mga ghost projects, ay hindi lamang malilimita sa flood control projects ang imbestigasyon.
Kailangan aniyang mapalawak ng Blue Ribbon Committee ang pagsisiyasat sa iba pang substandard at ghost projects ng mga ahensya tulad ng Department of Agriculture, Department of Education, Department of Health, at kahit ng PhilHealth.