Kinatigan nina House Deputy Speaker Paolo Ortega V at House Infrastructure Committee Chairman Terry Ridon ang panawagan ni Makati Business Club (MBC) Executive Director Apa Ongpin para sa patas at transparent na imbestigasyon sa flood control anomalies.
Ayon kay Ortega, tugma ang panawagan ng MBC sa mandato ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isulong ang due process, transparency, at accountability. Giit nito, tulad ni dating Speaker Martin Romualdez na nakipagtulungan sa ICI, dapat tiyaking walang political interference upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng akusado na maipagtanggol ang sarili.
Pinuri rin ni Ortega ang hakbang ni Romualdez na harapin ang isyu sa pamamagitan ng pagbaba sa tungkulin at pakikiisa sa imbestigasyon ng ICI.
Samantala, tinawag naman ni Ridon na “balanced at principled view” ang pahayag ni Ongpin. Iginiit nito na walang exempted sa pagbusisi ng paggamit ng pampublikong pondo, maging mula sa executive branch, lehislatura, o pribadong sektor.
Dagdag ni Ridon, dapat mabigyan ng karapatang marinig at makiisa sa lawful investigations ang lahat ng personalidad at institusyon, at ito na aniya ang pagkakataon ng ICI na ipakita ang pagiging independent sa paggagawad ng hustisya upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.