Hindi pabor si Sen. JV Ejercito na ibuhos sa mga ayuda programs ng gobyerno ang tatapyasing budget para sa flood control projects.
Ipinaliwanag ni Ejercito na kapag ibinuhos sa ayuda programs tulad ng AICS, TUPAD, at MAIPF ang pondo, ay wala itong magiging balik sa ekonomiya ng bansa.
Hindi aniya ito katulad ng mga infrastructure projects dahil nagdudulot ang mga ito ng dagdag na trabaho at napapakinabangan ng publiko.
Mas nais ng senador na ilipat ang budget para sa flood control projects sa iba pang infrastructure projects sa ilalim ng Department of Transportation, gayundin sa pagsasaayos ng mga tourism areas at pagtatayo ng mga pagamutan.
Kasabay nito, nagbabala rin si Ejercito na posibleng maging source ng korapsyon ang paglalaan ng pondo sa ayuda programs, makaraang makatanggap ng mga ulat na kinakaltasan ang tinatanggap ng mga benepisyaryo.
May mga nagreklamo aniya na sa halip na P8,000 ang dapat matanggap, ang naibibigay sa mga benepisyaryo ay P3,000 o P4,000 lamang.