dzme1530.ph

Mga reporma sa DPWH, inilahad sa Senado

Loading

Inisa-isa ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang mga repormang kanilang ipinatutupad upang matiyak na hindi na mauulit ang mga isyu ng katiwalian sa ahensya.

Sa pagtalakay ng panukalang budget ng DPWH sa Senado, sinabi ni Dizon na tinanggal nila sa budget ang mga duplicate projects o mga paulit-ulit na proyektong pinaglalaanan ng pondo, gayundin ang mga proyektong deklaradong completed na pero mayroon pa ring pondo sa susunod na taon, at mga posibleng overpriced projects tulad ng cat’s eye at rock netting.

Ayon kay Dizon, tinanggal na rin nila sa panukalang ₱881.31-bilyong budget ang ₱252 bilyon na orihinal na nakalaan para sa mga flood control projects at inilipat ito sa PhilHealth, Department of Agriculture, education, at iba pang pangunahing serbisyo.

Samantala, pabirong pinuna naman nina Senador Sherwin Gatchalian at Senador JV Ejercito ang tila “pagtanda” ng itsura ni Dizon bunsod ng matinding problemang kinakaharap ng DPWH.

About The Author