Limang miyembro ng pamilya ang nasawi, kabilang ang dalawang bata, matapos mabagsakan ng malaking puno ng buli ang kanilang kubo sa Barangay Kawayanin, sa bayan ng Pitogo sa Quezon.
Nangyari ang trahedya sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ramil kahapon ng umaga.
Kinilala ng Pitogo Municipal Police Station ang mga biktima na sina Alvin Peña at asawang si Andrea Jean, kapwa trenta’y singko anyos; kanilang dalawang anak na labing-isa at dalawang taong gulang; at lolo ng mga bata na si Alberto Bueno, animnapu’t pitong taong gulang.
Ang tanging nakaligtas mula sa trahedya ay ang labimpitong taong gulang na anak na lalaki ng mag-asawa, na nakapuwesto malapit sa pintuan nang bumagsak ang puno sa gitna ng malakas na hangin na dala ng bagyo.
Nagtamo ang mga biktima ng malalalang pinsala sa ulo kaya hindi na halos sila makilala.
Nagbigay na ng paunang tulong ang lokal na pamahalaan ng Pitogo para sa burol ng pamilya.