![]()
Hindi tinatalikuran ng Marikina City local government ang commitment nito sa Department of Health (DOH) na ipagpatuloy ang nabalam na konstruksyon ng Super Health Center (SHC) sa Barangay Concepcion Dos.
Ipinaliwanag ni Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro, na dating alkalde ng lungsod, ang mga dahilan sa likod ng pagkaantala ng proyekto.
Noong 2022, sumulat umano ang Marikina LGU sa DOH upang akuin ang gastos sa pagpapatayo ng apat na palapag na SHC. Gayunman, naantala ang pag-release ng pondo mula sa DOH.
Sa halip na masimulan noong 2021, Disyembre 2023 na pormal na sinimulan ang konstruksyon, at Abril 19, 2024 natapos ang unang yugto ng proyekto.
Dagdag ni Teodoro, kabilang sa mga dahilan ng pagkaantala ang government transition, post-election adjustments, at suspensyon ng halos lahat ng opisyal ng lungsod, dahilan upang hindi maaprubahan ang alokasyon ng pondo.
Binanggit din ni Teodoro na hindi sapat ang ₱21.5 million na inilaan ng DOH para sa apat na palapag na pasilidad, lalo’t kabilang sa mga serbisyuhan nito ay mga indibidwal na may special needs.
