Pinara at inimpound ng enforcement team ng Land Transportation Office (LTO) ang isang high-end luxury car na pag-aari ng isang Korean national dahil sa hindi paglalagay ng license plates kahit 2024 pa ito nakarehistro.
Kinumpirma ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao na noon pang nakaraang taon inisyu ang mga plaka para sa naturang sasakyan, subalit natagpuang selyado pa sa plastic ang mga ito.
Batay sa beripikasyon ng LTO, natuklasan ang koneksyon sa pagitan ng kinumpiskang sasakyan at ng mga naunang na-flag na luxury vehicles ng mag-asawang contractors na sina Curlee at Sarah Discaya.
Ang Frebel Enterprises and Auto Art, na nag-import sa impounded car, ay kapareho umanong kumpanya na nagdala ng umano’y smuggled luxury cars ng mga Discaya.
Muling nahaharap ang Frebel sa masusing pagsisiyasat upang matukoy ng mga awtoridad kung gaano karaming high-value vehicles ang iprinoseso ng kumpanya sa posibleng ilegal na paraan.