Aminado si DILG Secretary Jonvic Remulla na posibleng magmula sa informal settler families (ISF) ang maraming maapektuhan kung sakaling tumama sa bansa ang sinasabing “The Big One.”
Sa pagtalakay sa panukalang budget sa Senado, ipinaliwanag ni Remulla na karamihan sa tahanan ng mga ISF ay ginawa nang walang municipal permits.
Kaya naman bilang paghahanda, maglalabas ang DILG ng kautusan para inspeksyunin ng mga local government units (LGU) ang structural integrity ng mga bahay ng mga ISF.
Kailangan din aniya mapalakas ang implementasyon ng Building Code sa mga munisipalidad upang masuri ang integridad ng mga istruktura.
Ayon naman kay DILG Usec. Marlo Iringan, may protocols na rin na binuo para sa LGUs kaugnay sa paghahanda sa malakas na lindol.
May inihahanda na rin aniya na infrastructure audit sa National Capital Region, Calabarzon, kasama ang Bulacan at Pampanga.