Inirekomenda ni DILG Sec. Jonvic Remulla na ipaubaya sa mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng National Identification Program o ang pagkakaroon ng national ID ng lahat ng mga Pilipino.
Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang 2026 budget ng DILG, binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian na kung may maayos sana na national ID system ang Pilipinas, ay maraming mga krimen ang mareresolba at maiiwasan.
Kinatigan ito ni Remulla kasabay ng pagmumungkahi na bigyang kapasidad ang DILG dahil mas kakayanin nilang ipatupad ang national ID program o ang Philippine Identification System.
Ipinaliwanag ng opisyal na may kapasidad ang DILG na maabot ang bawat Pilipino hanggang barangay level dahil nakikita nila ngayon na ang limitadong saklaw ng Philippine Statistics Authority ang nagiging problema sa implementasyon ng programa.
Kung bibigyan aniya sila ng pondo para sa implementasyon ng national ID program, ay kaya nila itong magawa sa loob ng isang taon.
Iginiit naman ni Gatchalian na dapat makipag-ugnayan sila sa PSA tungkol sa usapin.