Naglabas ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa karagdagang labing-anim na indibidwal sa gitna ng flood control scandal.
Kasunod ito ng hiling ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na maglabas ng lookout bulletin order laban kay dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon, gayundin sa tatlong engineers at iba pang mga indibidwal.
Noong nakaraang linggo, naglabas din ang DOJ ng ILBO laban kina Leyte Rep. Martin Romualdez, Senador Chiz Escudero, at ilan pang mga mambabatas, batay sa request ng ICI.
Una nang ipinaliwanag ng DOJ na sa ILBO, inaatasan ang Bureau of Immigration na alertuhin ang law enforcement agencies hinggil sa kinaroroonan ng mga personalidad na pinangalanan sa order.
Gayunman, hindi nito maaaring pigilan ang sinumang indibidwal na lumabas ng bansa.