Pagmumultahin ng Land Transportation Office (LTO) ng aabot sa P5,000 hanggang P15,000 ang mga taxi driver na mahuhuling tumatanggi ng pasahero sa Metro Manila.
Alinsunod ito sa ikinasang “Oplan Isnabero” ng LTO ngayong araw kung saan libu-libong biyahero ang bumabalik sa NCR matapos ang Lenten break.
Ayon sa LTO, aarangkada hanggang April 14, 2023 ang pagpapatupad ng “Oplan Isnabero” o ang Regional Order no. 54 na may layong hulihin ang mga drayber na pumipili ng mga pasahero.
Kung kaya nagpaalala ang ahensya sa mga taxi driver na seryosohin ang ordinansa at maayos na tumugon sa responsibilidad sa publiko. —sa panulat ni Jam Tarrayo