Aminado si Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na isa sa magiging kontrobersyal na usapin sa bicameral committee meeting ng Kongreso para sa proposed 2026 budget ay ang isyu sa unprogrammed fund.
Sa inaprubahang 2026 General Appropriations Bill ng Mababang Kapulungan, nakapaloob ang P250 billion para sa unprogrammed allocations.
Sinabi ni Gatchalian na marami sa mga inilalagay sa unprogrammed fund ang maaari nang ilipat sa programmed fund upang maging line item.
Tiniyak ng senador na kaya niyang ipagtanggol ang kanyang posisyon sa bicam meeting, at kailangan lamang na maging bukas ang isipan ng bawat isa.
Nanindigan si Gatchalian na ang dapat lamang maisama sa unprogrammed fund ay ang foreign-assisted fund.
Hindi rin tinanggap ng senador ang katuwiran na dapat maisama sa unprogrammed fund ang ilang alokasyon para sa emergencies, dahil maaari namang magpasa ng supplemental budget sa mga extreme situations.