dzme1530.ph

Unprogrammed appropriations, dapat limitado lang sa calamity funds at foreign-assisted projects

Loading

Iginigiit ni Finance Sec. Ralph Recto na dapat higpitan ang paggamit ng unprogrammed appropriations, sa gitna ng mga ulat ng umano’y maling paggamit ng pondo sa mga “ghost” o substandard flood control projects.

Sa pagtalakay sa panukalang budget sa Senado, sinabi ni Recto na dapat limitahan ang unprogrammed funds sa calamity funds at sa mga foreign-assisted projects, at tiyaking ang lahat ng regular na paggastos ng gobyerno ay nakapaloob sa programmed appropriations o line-item budgeting, kung saan malinaw ang detalye ng proyekto at eksaktong halaga ng pondong ilalaan.

Ipinaliwanag ng kalihim na pinapayagan ang Pangulo na magkaroon ng diskresyon sa paggamit ng calamity funds dahil hindi matutukoy kung kailan tatama ang kalamidad, at kailangang mabilis ang tugon ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon.

Dagdag pa ni Recto, ang unprogrammed appropriations ay napopondohan lamang kapag may karagdagang kita o uutang ang gobyerno.

Gayunman, ito rin umano ang pinagmulan ng pondo para sa mga anomalya sa flood control projects na nadiskubreng “ghost” o hindi natapos ayon sa plano.

About The Author