Hiniling ng Commission on Audit (COA) sa Senado na isabatas na ang kanilang exemption mula sa Salary Standardization Law (SSL), ang batas na nagtatakda ng suweldo ng mga kawani ng gobyerno.
Sa pagtalakay ng panukalang 2026 budget, sinabi ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na patuloy ang pag-alis ng kanilang mga empleyado matapos lamang ang dalawa hanggang tatlong taon ng serbisyo.
Marami aniya sa mga ito ang lumilipat sa ibang ahensya ng gobyerno na mas mataas ang pasahod dahil exempted sa SSL, habang ang iba naman ay lumilipat sa pribadong sektor o nagtatrabaho sa abroad.
Ayon kay Cordoba, mas mabilis ang attrition o pag-alis ng mga tauhan kaysa sa hiring, dahilan para lalo pang lumaki ang kakulangan sa auditors at technical staff ng ahensya.
Tiniyak naman ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na pag-aaralan ng komite ang hiling ng COA.
Ayon sa kanya, umaabot sa 4,000 ang unfilled o bakanteng posisyon sa ahensya.